Roma 3:9–10 (ASD)
Ano nga? Tayo ba’y lalong mabuti kaysa sa kanila? Hindi, sa anomang paraan; sapagkat ipinaratang na natin na ang mga Hudyo at mga Griego ay kapuwa nasa ilalim ng kasalanan; gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala kahit isa.
May mga pagkakataon sa ating buhay na iniisip natin na kung magsisikap lamang tayo nang husto, kung magiging mas disiplinado, mas relihiyoso, o mas masunurin, ay maaari nating abutin ang pamantayan ng Diyos. Madalas nating inaaliw ang ating sarili sa pag-iisip na “hindi naman ako kasing sama ng iba,” o “ginagawa ko naman ang aking makakaya.” Ngunit kapag tapat nating sinuri ang ating puso sa liwanag ng Salita ng Diyos, lilitaw ang mas malalim na tanong: Talaga bang kaya nating sundin ang Diyos ayon sa Kanyang hinihingi? Ano ang tunay na kalagayan ng tao sa harap ng Kanyang banal na Kautusan?
Malinaw at walang paliguy-ligoy ang pahayag ng apostol Pablo sa Roma 3:9–10: “Walang matuwid, kahit isa.” Hindi lamang ito tumutukoy sa ilang tao o sa mga hayagang masasama. Ang hatol na ito ay sumasaklaw sa lahat—Hudyo man o Hentil, relihiyoso man o hindi. Walang sinuman ang umaabot sa banal at ganap na pamantayan ng Diyos.
Ito ang mariing itinuturo ng Heidelberg Catechism Q&A 5: likas tayong walang kakayahan na tuparin ang Kautusan ng Diyos. Ang kasalanan ay hindi lamang panlabas na problema; ito ay isang malalim na korapsyon sa ating kaibuturan na nakaapekto sa ating buong pagkatao—sa ating isipan, damdamin, at disposisyon. Sa halip na ibigin natin ang Diyos ng buong puso, buong isip, buong lakas, at buong kaluluwa, at ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili, ang likas na bunga ng ating makasalanang kalagayan ay ang pagkiling sa sarili, ang pagkapoot sa kabanalan, at ang pagkasira ng ating ugnayan—sa Diyos at sa kapwa.
Kaya’t ang Kautusan, gaya ng ating napag-aralan na, sa halip na maging hagdan patungo sa katuwiran, ay nagiging salamin na nagpapakita kung gaano kalalim ang ating pagkakasala.
Ang katotohanang ito ay humahamon sa atin na talikuran ang maling pagtitiwala sa sariling kakayahan at kabutihan. Hindi tayo iniligtas dahil kulang lamang tayo ng kaunting pagsisikap; tayo ay nangangailangan ng ganap na Tagapagligtas. Ang Kautusan ay hindi ibinigay upang tayo’y umasa sa sarili, kundi upang tayo’y itulak patungo kay Cristo.
Kaya’t sa halip na ipagtanggol ang ating sarili sa harap ng Diyos, tayo’y tinatawag na lumuhod sa pagpapakumbaba at tumingin kay Jesu-Cristo—ang nag-iisang Matuwid na ganap na tumupad sa Kautusan para sa atin. Sa Kanya lamang matatagpuan ang katuwirang hindi natin kayang likhain, at ang pagsunod na hindi natin kayang gawin.
Ngunit kung ikaw ay kabilang na kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, ikaw ay binihisan na ng Kanyang katuwiran—hindi lamang sa harap ng Diyos Ama, kundi maging sa harap ng mundo—sapagkat ang katuwirang napasa atin ay unti-unting mahahayag sa ating buhay sa tulong ng Banal na Espiritu, at para lamang sa kapurihan ng ating Panginoon.
Oo, wala sa atin ang matuwid kahit isa. Kaya mula sa langit ay isinugo ang nag-iisang Tagapagligtas na magkakaloob ng katuwirang kailangan natin. Purihin ang Diyos!
