Loading Devotions

Kaaliwan sa Bawat Araw

Araw-araw na Pagbubulay-bulay sa Katesismong Heidelberg

Tanging Pag-asa sa Ikalawang Daan

January 20, 2026

Roma 5:19 (ASD)
Sapagka’t kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ay naging mga makasalanan ang marami, gayon din naman sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ay gagawing mga matuwid ang marami.

Nilalang ng Diyos ang tao na mabuti at ayon sa Kanyang sariling larawan at wangis. Ayon sa Genesis 1:26–27, ang tao ayon sa wangis ng Diyos ay nangangahulugang siya ay nilikhang may wastong kaalaman, katuwiran, at kabanalan, at may kakayahang makipag-ugnayan sa Diyos at sa kanyang kapwa. Ang tao ay nilikha upang kilalanin ang Panginoon, mahalin Siya nang buong puso, at luwalhatiin Siya sa ganap na pagsunod sa Kanyang Salita. Sa ganitong kalagayan, tinamasa ng tao ang tunay na buhay at masaganang pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Subalit ang kalagayang ito ng kabanalan at pakikipag-ugnayan ay hindi nanatili. Sa Genesis 3, malinaw nating nakita na ang pagsuway nina Adan at Eva ay hindi isang maliit na pagkakamali kundi isang hayagang paghihimagsik laban sa malinaw at mabuting utos ng Diyos. Sa halip na magtiwala at sumunod sa Salita ng Panginoon, pinili nilang pakinggan ang tinig ng kaaway. Sa sandaling iyon ay nasira ang kanilang matuwid na ugnayan sa Diyos, pumasok ang kasalanan, at ito ay nagsimulang sumira hindi lamang sa tao kundi sa buong nilikha.

Ito ang ipinapaliwanag ni Apostol Pablo sa Roma 5:19. Ang kasalanan ni Adan ay hindi nanatili sa kanya lamang, kundi ipinasa sa buong sangkatauhan. Dahil sa kanyang pagsuway, ang marami ay naging makasalanan. Ayon sa Heidelberg Catechism Q&A 6–8, ang pagkahulog natin sa kasalanan ay nagbunga ng ganap na pagkasira ng kalikasan ng tao. Ang ating isipan ay nadungisan, ang ating kalooban ay napahilig sa kasamaan, at ang ating puso ay likas na sumasalungat sa Diyos. Dahil dito, ang tao ay walang kakayahang bumalik sa dati niyang estado o gumawa ng tunay na mabuti sa sariling lakas.

Ang katotohanang ito ay nagtuturo sa atin na magkaroon tayo ng tamang pagtingin sa kasalanan at sa kung ano ang idinulot nito. Wala tayong dahilan na ipagmalaki ang sariling kabutihan o umasa sa ating kakayahan. Sa halip, ang wastong pagkaunawa sa pagkahulog natin sa kasalanan ay humantong nawa sa pagpapakumbaba, pagsisisi, at ganap na pagtitiwala sa biyaya ng Diyos.

Gaya ng ating napag-aralan na, kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan at kamatayan, sa pamamagitan din ng isang Tao—ang Panginoong Jesu-Cristo—dumating ang katuwiran at buhay. Siya ang Ikalawang Adan na ganap na sumunod kung saan nabigo ang una. Sa Kanyang pagsunod, kamatayan, at muling pagkabuhay, ang mga nananalig sa Kanya ay itinuturing na matuwid at binibigyan ng buhay na walang hanggan.

Malubha man ang naging pagkahulog natin dahil sa kasalanan, sapagkat tayo ay kabilang sa unang Adan, mas higit naman ang pagtaguyod sa atin ng Diyos, sapagkat tayo ay kabilang na kay Cristo. Siya ang hindi lamang kumatawan at namagitan sa atin sa harap ng Diyos Ama, kundi Siya rin ang ating tanging kaaliwan sa bawat araw, nangangalaga at magpapanatili sa atin hanggang wakas.