Loading Devotions

Kaaliwan sa Bawat Araw

Araw-araw na Pagbubulay-bulay sa Katesismong Heidelberg

Nilikha Upang Sumamba

January 21, 2026

Roma 1:25 (ASD)
Sapagka’t kanilang pinalitan ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos, at sinamba at pinaglingkuran ang nilikha kay sa Lumalang, na Siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa!

Nilalang ang tao upang sambahin ang Diyos, at ang kaluwalhatian Niya ang sukdulang layunin ng lahat ng bagay na nilalang. Ang buong buhay ng tao ay idinisenyo upang tumugon sa Panginoon sa pagsamba at lubos na pagsunod. Subalit dahil sa kasalanan, ang pusong nilikhang para sa tunay na pagsamba ay nalason at naligaw. Isa sa pinakamalubhang uri ng kasalanan ay ang pagsamba sa diyos-diyosan. Hindi tumigil ang tao sa pagsamba; sa halip, ipinagpalit niya ang Diyos at piniling sambahin ang iba. Sa halip na ang Manlilikha ang ating sambahin, sa mga bagay na nilikha at maging sa ating sarili mismo itinuon ang ating pagsamba. Ang lugar na para lamang sa Diyos ay inangkin ng tao.

Ayon sa Roma 1:21–25, bagama’t ipinahayag ng Diyos ang Kanyang sarili, hindi natin Siya niluwalhati ni pinasalamatan. Sa halip, naging walang kabuluhan ang ating pag-iisip at dumilim ang ating puso. Ipinagpalit natin ang kaluwalhatian ng Diyos sa mga huwad na diyos at sa mga nilikhang bagay lamang. Ipinakikita ni Apostol Pablo na ang kasalanan ay nagbunga ng maling pagsamba—isang tahasang pagsalungat sa layunin ng tao bilang nilalang ng Diyos.

Ang pagkasira na idinulot ng kasalanan ay lumason sa bawat bahagi ng ating pagkatao—isip, damdamin, pagnanais, at pagpapasiya. Dahil dito, likas sa tao ang sumamba sa mga diyos-diyosan at wala siyang kakayahang bumalik sa tunay na Diyos sa sarili niyang lakas.

Ang katotohanang ito ay tumatawag sa atin na suriin hindi lamang ang ating mga kilos, kundi kung sino o ano ang ating sinasamba. Ano ang tunay na naghahari sa ating puso? Saan natin ibinabatay ang ating pagkakakilanlan, seguridad, at pag-asa? Ang mga ito ay madalas nagiging huwad na diyos na pumapalit sa tunay na Diyos.

Sa pagkilala sa ating ganap na pagkasira at miserableng kalagayan, ang tamang tugon ay hindi pangangatwiran sa sarili kundi pagpapakumbaba at tapat na pagsisisi. Kapag nakita natin ang lalim ng ating kasalanan, mas lalong luminaw ang kagandahan ng biyaya ng Diyos kay Cristo. Siya lamang ang nagligtas at nagpapanumbalik sa atin mula sa maling pagsamba tungo sa tamang ugnayan at tunay na pagsamba sa Diyos.

Purihin ang Diyos sa Kanyang pagpapanumbalik sa atin sa tamang landas. Nawa’y mabuhay tayo upang Siya ay sambahin at maranasan ang tunay na kagalakan na nagmumula sa Kanya. Ang ating buong pagkatao, at ang lahat ng mayroon tayo, nawa’y magbigay ng kapurihan at pagsamba sa nag-iisang Diyos na lumikha, nagligtas, at nangangalaga sa atin.

“At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan Niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos; at tayo’y nasa tunay na Diyos, sa Kaniyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan. Mga anak, magsilayo kayo sa mga diyus-diyosan.”
1 Juan 5:20–21