Genesis 1:26a (ASD)
At sinabi ng Diyos, Likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.
Sa mga simulang pahina pa lamang ng Banal na Kasulatan at sa pagsisimula ng kasaysayan ng sangkatauhan, malinaw na ipinahayag ng Diyos ang Kanyang dakilang kapangyarihan at mabuting layunin sa paglikha ng lahat ng bagay. Kabilang tayong mga tao, na siyang tugatog ng Kanyang paglikha. Ipinakikita sa atin na ang mundo at ang tao ay hindi produkto ng pagkakataon o ebolusyon, kundi resulta ng makapangyarihan at mabuting pagkilos ng Diyos.
Ayon sa Genesis 1:26–27, nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang imahe at wangis. Ibig sabihin, ang tao ay nilikha na may wastong kaunawaan at kaalaman, kakayahang makipag-ugnayan sa Panginoon at sa kanyang kapwa, at taglay ang katuwiran at kabanalan upang sumunod at sumamba sa Kanya. Ito ang malinaw na itinuturo ng Heidelberg Catechism Q&A 6, na nagsasabing nilikha ng Diyos ang tao na mabuti at ayon sa Kanyang larawan upang Siya’y makilala, mahalin, at purihin.
Gayunman, nililinaw din ng Heidelberg Catechism Q&A 7–8 na ang kasalukuyang kalagayan ng tao ay hindi nagmula sa paglikha ng Diyos, kundi sa pagsuway ng unang tao. Hindi ang Diyos ang pinagmulan ng kasalanan at kasamaan ng mundo at ng tao; nilalang Niya ang lahat at Kanyang sinabi na ito’y mabuti. Ang kasamaan ay pumasok lamang sa sangkatauhan dahil sa pagsuway ni Adan, at hindi dahil sa kakulangan o pagkakamali ng Diyos. Subalit sa kabila ng pagkalugmok ng tao at ng mundo sa kasalanan, nagtakda ang Diyos ng plano ng kaligtasan upang tayo’y muling mapanumbalik sa Kanyang piling, ayon sa orihinal na disenyo at mabuting layunin.
Sa kabila ng katotohanang ang mundong nilikha ng Diyos sa pamamagitan lamang ng Kanyang Salita ay nasira at nalugmok sa kasalanan, at gayundin ang imahe ng Diyos sa atin ay lubhang napinsala, sa pamamagitan pa rin ng Salita na nagkatawang-tao—na Siya ring ganap na imahe ng di-nakikitang Diyos, walang iba kundi si Cristo—ipinapanumbalik at pinapaging-bago ng Diyos hindi lamang ang Kanyang mga hinirang, kundi ang buong nilikha, patungo sa kaganapan ng Kanyang kalooban at para sa kapurihan ng Kanyang pangalan.
Ano ang nararapat nating tugon sa mga katotohanang ito? Una, alalahanin natin na ang ating halaga at dangal ay nagmumula sa Diyos na lumikha sa atin ayon sa Kanyang larawan. Mamuhay tayo nang may pasasalamat at pananagutan, iginagalang ang ating sarili at ang ating kapwa bilang mga nilalang ng Diyos. Ikalawa, kilalanin natin kung gaano tayo lumihis mula sa Kanyang orihinal na disenyo. Ang imahe ng Diyos sa atin ay lubhang sinira ng kasalanan, kaya tayo at ang mundo ay tunay na nalugmok sa miserableng kalagayan. Ikatlo, manumbalik tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, maging bahagi ng Kanyang bagong paglikha, at mamuhay na ngayon bilang mga bagong nilalang.
Tandaan na dahil sa ginawa ni Cristo, at ayon sa patuloy na pagkilos ng Banal na Espiritu, ipinapanumbalik na ang napinsalang imahe ng Diyos sa atin. Ibig sabihin, tayo ay lumalago na sa pagkakilala at pakikipag-ugnayan sa Panginoon, lumalakad sa katuwiran at kabanalan, at hinuhubog patungo sa pagiging kawangis ng ating Panginoong Jesus sa bawat aspeto ng ating pagkatao at sa bawat bahagi ng ating buhay.
“At kayo’y mangagbago sa espiritu ng inyong pag-iisip, at kayo’y mangagbihis ng bagong pagkatao, na nilikha ayon sa Diyos sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.”
Efeso 4:23–24
