Galacia 2:20 (ASD)
Ako’y ipinako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin; at ang buhay na ngayo’y ikinabubuhay ko sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na sa akin ay umibig at ibinigay ang Kaniyang sarili dahil sa akin.
Hindi natin mararanasan ang tunay na kaaliwan hangga’t hindi natin lubos na nauunawaan ang buong katotohanan tungkol sa ating sarili. Itinuturo ng Salita ng Diyos na ang kaaliwan ay nagsisimula sa tamang pagkaunawa sa ating kalagayan sa harap ng Diyos: tayo’y likas na makasalanan—hiwalay sa Kanya, alipin ng kasalanan, at ganap na walang kakayahang iligtas ang ating sarili.
Subalit hindi rito nagtatapos ang lahat. Sa gitna ng ating kawalang-pag-asa, ang Diyos ay kumilos ayon sa Kanyang biyaya sa pamamagitan ni Cristo. Mula sa ating miserableng kalagayan ay naroon ang mabuting balita ng dakila at mabiyayang pagliligtas ng Panginoon sa atin—at ang kaligtasang ito ay nagreresulta ng isang buhay na nakalulugod sa Diyos bilang nararapat na tugon.
Sinasabi ni Apostol Pablo, “Ako’y ipinako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin.” Sa pahayag na ito, malinaw na ipinapakita ni Pablo ang buod ng buhay Cristiano—isang buhay na mula sa kasalanan ay tumanggap ng kaligtasan, at ngayon ay namumuhay na bilang tugon ng pasasalamat.
Ito rin ang malinaw na itinuturo ng Heidelberg Catechism sa ikalawang tanong ng unang Lord’s Day. Upang mamuhay sa ganitong kaaliwan, kinakailangang maunawaan ang tatlong mahahalagang bagay: una, ang lalim ng ating kasalanan at ang miserableng kalagayang dulot nito; ikalawa, ang kahanga-hangang paraan ng Diyos sa pagliligtas sa atin mula sa kasalanan; at ikatlo, ang bagong buhay na nagpapasalamat bilang tugon na inaasahan sa atin.
Kaya’t ang tanong sa atin ay hindi lamang, “Paano ako naligtas?” kundi, “Ano ang nararapat kong maging tugon sa kaligtasang ito?” Sa sandaling tayo’y makipag-isa kay Cristo sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, nagbago ang direksyon ng ating buhay. Hindi na tayo namumuhay ayon sa sariling kagustuhan ng laman, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.
Ang umaapaw na pasasalamat ang nagtutulak sa atin na talikuran ang kasalanan; ang pagsunod ang nagiging tugon ng pusong binago ng biyaya ng Panginoon; at ang kabanalan ang patuloy na magiging bunga ng buhay na naligtas at nakipag-isa kay Cristo.
Alalahanin natin palagi ang ating miserableng kalagayan noon, patuloy na mamangha sa dakilang kaligtasan na ating tinanggap, at araw-araw na tumugon sa pasasalamat, pagsunod, at pagsamba sa ating Panginoon.
