Loading Devotions

Kaaliwan sa Bawat Araw

Araw-araw na Pagbubulay-bulay sa Katesismong Heidelberg

Hindi na Tayo Alipin pa ng Kasalanan

January 23, 2026

Roma 6:6 (ASD)
Na nalalaman natin, na ang dati nating pagkatao ay ipinako sa krus na kasama niya, upang ang katawan ng kasalanan ay maalis, upang tayo’y huwag nang maglingkod pa sa kasalanan.

Nagpapatuloy ang paglalahad ng unang bahagi ng Heidelberg Catechism patungkol sa miserableng kalagayan ng sangkatauhan dahil sa kasalanan. Kung hindi tayo ililigtas ng Diyos, mananatili tayong miserable at walang pag-asa. Ipinapahayag ng Kasulatan na ang tao, sa kanyang likas na kalagayan, ay patay sa kasalanan at alipin ng pita ng laman. Ito ay malinaw na ipinahayag sa atin sa pamamagitan ng Salita ng Diyos gaya ng Efeso 2:1–3 at Juan 8:34.

Ngunit gaya ng Roma 6:6, ipinakikita rin sa atin ang dakilang katotohanan na dulot ng Ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Ang “dating pagkatao” ay tumutukoy sa ating lumang kalagayan kay Adan—makasalanan, makasarili, at nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. Ang pagpapala ng Mabuting Balita ay ito: ang lumang pagkataong ito ay ipinako na sa krus na kasama ni Cristo. Sa Kanyang kamatayan, hindi lamang Niya binayaran ang parusa ng kasalanan, kundi winasak din Niya ang kapangyarihan nito. Ang bunga nito ay malinaw: hindi na tayo alipinin pa ng kasalanan.

Gayunman, hindi nito ibig sabihin na agad tayong namumuhay nang perpekto at ganap sa kabanalan. Nililinaw ng Kasulatan na ang katotohanang tayo’y pinalaya na ay patuloy pang isinasagawa sa ating araw-araw na buhay sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang pakikipag-isa kay Cristo ay parehong isang tiyak na katotohanan at isang nagpapatuloy na proseso. Tayo’y pinalaya na, ngunit tayo rin ay tinatawag na mamuhay ayon sa kalayaang ito—na ituring ang ating sarili bilang patay na sa kasalanan at buhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

Ano ang nararapat nating tugon sa katotohanang ito? Una, kilalanin natin na hindi na tayo alipin pa ng kasalanan. Hindi na tayo obligado na sundin ang dati nating panginoon. Ikalawa, mamuhay tayo araw-araw na may pagsisisi at pananampalataya—pinapasan ang krus, itinatanggi ang sarili, at umaasa lamang sa biyaya ng Diyos. Ikatlo, magpasakop tayo sa patuloy na gawain ng Banal na Espiritu na pumapatay sa mga gawa ng laman at humuhubog sa atin ayon sa wangis ni Cristo. Ang lahat ng ito ay tiyak na magaganap, hindi dahil sa ating pagsisikap, kundi dahil lamang sa ganap nang ginawa ni Cristo sa krus at sa Kanyang muling pagkabuhay. Ang Banal na Espiritu ang Siyang naglalapat sa atin ng lahat ng pagpapalang bunga ng ginawa na ni Cristo.

Tandaan na dahil sa kamatayan ni Cristo at sa ating pakikipag-isa sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya, napalaya na tayo sa kaparusahan at kapangyarihan ng kasalanan na minsang sumakop sa atin. Hindi na tayo mga alipin ng kasalanan, kundi mga pinalaya at itinuring na mga anak ng Diyos—tinatawag na mamuhay sa kabanalan at pasasalamat habang hinihintay ang kaganapan ng kaligtasang ito sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus. Sa araw na iyon, hindi na lamang tayo palalayain sa kaparusahan at kapangyarihan ng kasalanan, kundi maging sa mismong presensya nito.

“Kaya’t ituring ninyo ang inyong sarili na patay na sa kasalanan, ngunit buhay sa Diyos kay Cristo Jesus.”
Roma 6:11