Loading Devotions

Kaaliwan sa Bawat Araw

Araw-araw na Pagbubulay-bulay sa Katesismong Heidelberg

Ang Tangi Kong Kaaliwan sa Buhay at Kamatayan

January 5, 2026

Roma 14:8 (ASD)
Sapagkat kung tayo’y nabubuhay, sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo’y namamatay, sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga kung tayo’y mabuhay man o mamatay, tayo’y sa Panginoon.

Sa pagsisimula ng bagong taon, natural lang na tayo’y magbalik-tanaw sa nakaraan at humarap sa kinabukasan nang may halong pag-asa at pangamba. Maraming tanong ang pumupuno sa ating puso: “Ano kaya ang mangyayari sa taong ito? Ano ang naghihintay para sa akin, sa aking pamilya, sa aking kalusugan, trabaho, at pananampalataya?”

Sa gitna ng lahat ng ito, kailangan natin ng isang katotohanang hindi nagbabago—isang matatag na pundasyon na magbibigay sa atin ng kaaliwan hindi lamang sa taon na ito kundi sa ating buong buhay.

Ang kaaliwang inilalahad ng Salita ng Diyos at pinagtitibay ng Heidelberg Catechism ay ito: tayo ay kabilang sa Panginoon—sa buhay man o sa kamatayan. Ang ating katawan at kaluluwa ay hindi na atin, kundi pag-aari na ni Cristo.

Para sa marami, ang kanilang pangunahing kaaliwan ay maaaring matagpuan sa pamilya, mga kaibigan, trabaho, o salapi—mga bagay na mabuti ngunit pansamantala at nagbabago. Ang mga ito’y maaaring magbigay ng panandaliang ginhawa, ngunit hindi nila kayang magbigay ng katiyakang tumatagal hanggang wakas.

Ngunit para sa atin, ang tunay at matibay na kaaliwan ay nagmumula sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Siya ang nagligtas sa atin, umangkin sa atin bilang Kanya, at patuloy na nag-iingat sa atin. Siya lamang ang makapagbibigay ng tunay na kapayapaan, kagalakan, at kasapatan—hindi dahil sa ating lakas o talino, kundi dahil sa Kanyang wagas na pag-ibig, masaganang biyaya, at di-nagmamaliw na katapatan. Ito ang kaaliwang hindi nagbabago at hindi kumukupas.

Ito ang katotohanang higit pa sa anumang resolusyon o plano sa buhay, na sa kabila man ng tagumpay o kabiguan, sa lakas man o panghihina, sa buhay man o sa kamatayan—iisa ang ating hindi nagbabagong katiyakan: tayo ay pag-aari ni Cristo.

Kaya naman, sa pagsisimula pa lamang ng taon na ito, maaari nating ipagkatiwala ang kabuuan nito sa ating tapat na Panginoon. Hindi dahil alam natin ang mga mangyayari at hawak natin ang hinaharap, kundi dahil kilala natin ang Siyang may alam at hawak ng lahat—ang tapat na’ting Tagapagligtas na si Cristo.

Sa gitna ng mundong makasalanan at pabagu-bago, mamuhay ka ng may kagalakan at katapatan sapagkat mayroon kang natatangi at dakilang kaaliwan. Lagi natin itong alalahanin, sambitin, at itanim sa ating mga puso:

“Hindi ko na pag-aari ang aking sarili, kundi ako ay kabilang—sa buhay at sa kamatayan—sa aking tapat na Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.”

Ito ang ating matatag na pundasyon—hindi lamang sa taong ito, kundi hanggang sa oras ng ating kamatayan, at hanggang sa buhay na walang hanggan sa piling ng ating Panginoon.