Efeso 2:1–3 (ASD)
At kayo’y kaniyang binuhay, nang kayo’y mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan, na inyong nilakaran nang una ayon sa takbo ng sanglibutang ito, ayon sa prinsipe ng kapangyarihan ng hangin, ng espiritung ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway; na sa kanila’y nakisama rin tayong lahat nang una sa mga pita ng ating laman, na ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo’y mga anak ng galit sa likas, na gaya rin ng iba.
Ano nga ba ang tunay na kahulugan kapag sinasabi nating tayo ay mga makasalanan? Madalas iniisip ng tao na ang kasalanan ay simpleng paggawa lamang ng mali, paminsan-minsang pagkukulang, o mga hindi maiiwasang gawi dahil tayo ay tao lamang. Minsan, iniisip pa natin na maaari namang mapagtakpan ng ating mabubuting gawa ang ating mga kasalanan, na kung mas marami tayong gagawing mabuti ay kalulugdan na tayo ng Diyos. Sa madaling salita, napakagaan ng pagtingin ng ilan sa kalikasan at resulta ng kasalanan sa ating pagkatao.
Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng mas malalim at mas seryosong larawan ng ating tunay na kalagayan bilang mga makasalanan. Ayon sa Efeso 2:1–3, tayo ay “patay dahil sa mga pagsuway at kasalanan.” Ang kamatayang ito ay hindi pisikal kundi espirituwal—isang kalagayan ng ganap na pagkahiwalay sa mapagpalang presensya ng Diyos. Ipinapakita ng mga talatang ito na ang kasalanan ay hindi lamang panlabas na gawain, kundi isang kapangyarihang humuhubog sa ating pamumuhay, pag-iisip, at mga pagnanasa. Sa ating likas na kalagayan, tayo ay alipin o sunod-sunuran sa impluwensya ni Satanas, sa takbo ng sanlibutan, at sa makasalanang pita ng ating laman.
Ito ang patuloy na itinuturo ng Heidelberg Catechism, na nagsasabing ang hinihingi ng Kautusan ng Diyos ay ganap at buong pag-ibig sa Diyos at sa kapwa—isang pamantayang lubos nating nabibigong tuparin. Dahil dito, malinaw na ang kasalanan ay umabot sa ating puso, isip, at kalooban. Hindi lamang tayo basta mga taong nakagagawa ng kasalanan, kundi ang kaibuturan at kabuuan ng ating pagkatao ay likas na rebelde sa kalooban ng Diyos. Dahil dito, karapat-dapat lamang tayong hatulan at patawan ng parusa sapagkat ang Diyos ay banal at matuwid.
Nawa ay lumago pa ang ating kaunawaan sa lalim at bigat ng ating kasalanan at kung gaano kalubha ang naging epekto nito sa atin, upang mas maunawaan din natin ang kadakilaan ng pag-ibig at biyaya ng Diyos na ipinaranas sa atin sa pamamagitan lamang ni Cristo. Tandaan na ang tamang kaunawaan sa kalikasan at kapangyarihan ng kasalanan ang magtutulak sa atin na umasa lamang sa mas dakilang biyaya ng Diyos. Oo, dakila ang ating pagkakasala at tunay na naging miserable ang ating kalagayan dahil dito; ngunit tandaan, mas higit na dakila ang pag-ibig, habag, at biyaya ng Diyos para sa lahat ng sumasampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo. Malalim, malawak, at malubha ang pinsalang idinulot ng kasalanan sa atin, ngunit higit naman rito ang di-masukat na pag-ibig ni Cristo para sa lahat ng nagtitiwala sa Kanya.
