Roma 3:20 (ASD)
Sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman ang aaring ganap sa harapan niya; sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay nagkakaroon ng pagkakilala sa kasalanan.
Maraming tao ang may maling pagkaunawa sa layunin ng Kautusan ng Diyos. Iniisip ng ilan na ang Sampung Utos ay isang hagdan patungo sa kaligtasan—na sa pamamagitan ng masipag na pagsunod, moral na pamumuhay, at mabubuting gawa ay maaaring makamit ang buhay na walang hanggan. Ang ganitong pag-iisip ay karaniwan, ngunit ito’y salungat sa malinaw na turo ng Banal na Kasulatan.
Makikita natin sa kabuuan ng Salita ng Diyos na may tatlong gamit ang Kautusan sa atin: una, ito ay salamin na naghahayag sa atin ng ating pagiging makasalanan; ikalawa, ito ay pampigil sa kasamaan at pampanatili sa kaayusan ng lipunan; at ikatlo, ito ang nagsisilbing pamantayan o gabay sa isang Cristiano kung paano mamuhay nang nakalulugod sa Diyos.
Ayon sa Roma 3:20, “sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay nagkakaroon ng pagkakilala sa kasalanan.” Ito ang unang gamit ng Kautusan: ang magsilbing salamin. Tulad ng salaming nagpapakita ng dumi sa ating mukha, inilalantad ng Kautusan ng Diyos ang ating kasalanan, pagkukulang, at pagsuway—sa isip, salita, at gawa.
Ito ang tinutukoy ng Heidelberg Catechism Q&A 3: nalalaman natin ang ating miserableng at kahabag-habag na kalagayan sa pamamagitan ng Kautusan ng Diyos. Sa liwanag ng Kautusan, ipinakikita ng Banal na Espiritu na tayo’y hindi umaabot sa banal na pamantayan ng Diyos. Kung ang pagsunod sa Kautusan ang magiging batayan ng kaligtasan, walang sinuman ang maliligtas, sapagkat lahat ay nagkasala.
Ang Kautusan, kung gayon, ay hindi hagdan kundi salamin—hindi panlunas kundi panukat—na nagpapakita ng ating pangangailangan sa isang Tagapagligtas.
Ang pagbibigay ng Kautusan ay isang mabiyayang pagkilos ng Diyos para sa atin. Sa pamamagitan nito, inaalis Niya ang ating pagmamataas at maling pagtitiwala sa ating sarili. Purihin natin ang Diyos sapagkat hindi Niya tayo iniwan sa ating kasalanan. Hindi lamang Niya ibinigay ang Kautusan upang ilantad ang ating kalagayan, kundi ibinigay din Niya ang Mabuting Balita—si Jesu-Cristo—na Siyang nag-iisang Tagapagligtas.
Matapos nating tumingin sa Kautusan at makita ang ating miserableng kalagayan, ituon naman natin ang ating paningin, pananampalataya, at pag-asa kay Cristo upang masumpungan natin ang ganap na kapatawaran at kaligtasan.
“Ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises; ang kagandahang-loob at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.”
Juan 1:17
