Loading Devotions

Kaaliwan sa Bawat Araw

Araw-araw na Pagbubulay-bulay sa Katesismong Heidelberg

Pangangailangan ng Bagong Puso

January 16, 2026

Jeremias 17:9–10 (ASD)
Ang puso ay mandaraya ng higit sa lahat ng mga bagay, at lubhang masama; sinong makaaalam? Akong Panginoon ay sumusubok ng puso, aking sinusuri ang mga bato, upang magbigay sa bawat isa ayon sa kaniyang mga lakad, ayon sa bunga ng kaniyang mga gawa.

Hindi madaling harapin ang katotohanan tungkol sa ating sarili. Likas sa tao ang ipagtanggol ang sariling puso—na tayo’y may mabuting hangarin, na ginagawa naman natin ang ating makakaya, at kung ikukumpara sa iba, hindi naman tayo gaanong masama. Dagdag pa ang mundong nagtuturo sa atin na sundin ang ating puso, na tayo ay magtiwala sa sariling pakiramdam at intensiyon. Subalit kung ang Salita ng Diyos ang ating magiging pamantayan, ang mga nasabing kaisipan ay mali at mapanganib.

Sa Jeremias 17:9–10, malinaw at walang paliguy-ligoy ang hatol ng Diyos: “Ang puso ay mandaraya higit sa lahat ng bagay, at lubhang masama.” Ang puso, na siyang sentro ng ating pag-iisip, pagnanasa, at pagpapasya, ay hindi likas na mabuti kundi lubos na nilason at sinira ng kasalanan. Ipinakikita ng Banal na Kasulatan na ang ugat ng ating problema ay hindi panlabas kundi panloob.

Dahil dito, ang madalas na pangangatwiran na “alam naman ng Diyos ang laman ng puso ko” ay hindi dapat magbigay ng aliw kundi takot. Sapagkat kung tunay na kilala ng Diyos ang ating puso, at kung ang pusong iyon ay likas na mandaraya at masama, paano tayo tatayo sa harap ng Kanyang kabanalan? Ang pagsunod sa sariling puso ay hindi patungo sa buhay kundi patungo sa kapahamakan. Anumang kabutihan na ating ipakita ay may bahid ng kasalanan, at kahit ang ating pinakamabubuting gawa ay gaya lamang ng maruming basahan sa harap ng isang banal at matuwid na Diyos.

Dito malinaw na ipinakikita ng Kautusan na ang ating suliranin ay hindi kakulangan ng kaalaman, disiplina, o relihiyon. Ang kailangan natin ay isang bagong puso. Hindi sapat ang mga panlabas na pagbabago; ang kinakailangan ay panloob na pagbabagong tanging ang Diyos lamang ang makagagawa. Ang Kautusan ay naglalantad ng ating makasalanang puso, ngunit ang Mabuting Balita ang nagbibigay ng bagong puso.

Sa pamamagitan lamang ng Panginoong Jesu-Cristo—na Siyang tumupad ng Kautusan para sa atin at nagbayad ng ating mga kasalanan—ang Diyos ay nagbibigay ng bagong puso. At sa patuloy na pagkilos ng Banal na Espiritu sa atin, ang pusong ito ay umibig na sa Diyos at sa ating kapwa. Ito ay pusong namumuhi na sa kasalanan at sumasaya sa kabanalan—pusong tumitibok na para sa kapurihan ng Panginoon.