Loading Devotions

Kaaliwan sa Bawat Araw

Araw-araw na Pagbubulay-bulay sa Katesismong Heidelberg

Ang Pinagmulan ng Aking Miserableng Kalagayan

January 14, 2026

Roma 5:12 (ASD)
Kaya nga, kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan; at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng mga tao, sapagkat ang lahat ay nangagkasala.

Kapag tumingin tayo sa ating paligid, agad nating makikita ang kasamaan sa mundo—ang karahasan, kasakiman, kasinungalingan, at marami pang iba. Madalas nating itanong kung saan ba nagmumula ang lahat ng ito. Gayundin, kapag tumingin naman tayo sa ating sarili at tayo’y magiging tapat, nakikita rin natin ang parehong mga problema ng kasalanan maging sa ating puso o kalooban. Itinuturo ng Biblia na ang kasamaan sa ating kalooban at kapaligiran ay mayroong malalim na pinagmulan—ito ay ang ating likas na kalagayan bilang mga anak ni Adan.

Ayon sa Roma 5:12, “sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan.” Ipinapakita ng talatang ito na ang kasalanan ay hindi nagsimula sa marami, kundi sa isa—kay Adan, ang kinatawan ng buong sangkatauhan. Dahil dito, ang kamatayan ay umabot sa lahat sapagkat sa pagkahulog ni Adan sa kasalanan, tayong lahat ay nagkasala.

Ito rin ang tinutukoy ng Heidelberg Catechism Q&A 5, na ang ating disposisyon ay patungo sa pagsuway. Ang ating katiwalian ay hindi lamang natutunan o bunga ng masamang halimbawa; ito ay ating minana. Kaya’t ang kasalanan ay naging bahagi ng ating kalikasan at humubog sa ating pag-iisip, pagnanasa, at pagpapasiya.

Ang katotohanang ito ay nagtuturo sa atin na magpakumbaba. Hindi tayo maaaring magtiwala sa ating sarili o umasa sa sariling kabutihan, sapagkat ang ugat ng problema ay nasa ating puso, na ating minana mula sa ating ninunong si Adan na siyang kumatawan sa atin sa harap ng Diyos.

Gayunman, ang parehong katotohanang ito ay umaakay din sa atin sa isang dakilang pag-asa. Sapagkat kung sa pamamagitan ng isang tao pumasok ang kasalanan at kamatayan, sa pamamagitan din ng isang Tao—ang ikalawang Adan—na kumakatawan sa lahat ng nagtitiwala sa Kanya, walang iba kundi ang Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan Niya napasa atin ang buhay at katuwiran. Dakilang parusa ang idinulot ng unang Adan, ngunit mas higit na dakila ang pagpapalang kaloob ni Cristo sa atin. Kaya naman, tiyakin nating tayo ay hindi na nananatili sa ilalim ng sumpa ng unang Adan, sa halip ay matagpuan tayong nakipag-isa kay Cristo at taglay ang lahat ng pagpapala sa pamamagitan Niya.