Loading Devotions

Kaaliwan sa Bawat Araw

Araw-araw na Pagbubulay-bulay sa Katesismong Heidelberg

Katiyakan sa Pamamagitan ng Banal na Espiritu

January 8, 2026

Efeso 1:13–14 (ASD)
Sa Kaniya rin naman kayo, nang inyong marinig ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan—sa Kaniya rin kayo, nang kayo’y magsisampalataya, ay tinatakan ng ipinangakong Banal na Espiritu, na siyang katibayan ng ating mana, sa ikatutubos ng pag-aari ng Diyos, sa ikapupuri ng Kaniyang kaluwalhatian.

Bilang mananampalataya, marahil dumating na sa puntong naitanong mo rin ito: “Tunay nga ba akong ligtas?” Kung tayo ba’y talagang kabilang na sa Diyos at kung magpapatuloy ba tayo hanggang wakas. Sa mga panahon ng kahinaan, pagkakasala, at mga pagsubok, madalas tayong magduda o mag-alinlangan. Hindi ito kalooban ng Diyos na tayo ay malugmok sa pangamba at alinlangan. Sa Kanyang kagandahang-loob, binigyan Niya tayo ng isang ganap at maaasahang katiyakan—ang pananahan at pagkilos ng Banal na Espiritu sa atin na mga anak ng Diyos.

Ayon sa Efeso 1:13–14, ang mga sumasampalataya kay Cristo ay “tinatakan ng ipinangakong Banal na Espiritu,” na siyang “katibayan” o paunang kaloob ng ating mana. Paalala ito na huwag nating iangkla ang katiyakan ng ating kaligtasan sa ating mga sarili, sapagkat ibinigay na rin ito sa atin ng Diyos mismo. Ang Espiritu na sumasaatin ang patunay na tayo’y tunay na kabilang sa Kanya at tanda na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako hanggang wakas.

Ito ang ipinagpapatuloy ng Heidelberg Catechism Q&A 1: sapagkat tayo’y kay Cristo, tayo’y hindi lamang tinubos, kundi tayo rin ay pinagkalooban at kinikilusan ng Kanyang Espiritu.

Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay sa atin ng katiyakan sa kaligtasan, nagpapalakas ng ating pananampalataya, at lumilikha sa atin ng pusong handang mamuhay para sa Diyos. Hindi lamang Niya tayo inaaliw; binabago at hinuhubog Niya rin tayo upang mamuhay sa pasasalamat at paglilingkod.

Dahil dito, hindi na natin kailangang mamuhay ng may takot at pagdududa. Sa halip, tayo ay dapat lumakad na may kapanatagan, na laging inaalala na ang Banal na Espiritu ay nananahan sa atin bilang selyo at garantiya ng Diyos. Sa tuwing tayo’y pinanghihinaan, Siya ang nagpapalakas; sa tuwing tayo’y naliligaw, Siya ang gumagabay; at sa tuwing tayo’y tinatawag na maglingkod, Siya ang nagbibigay sa atin ng kakayahan at kalakasan.

Sa gitna ng kahinaan ng ating laman at patuloy na pandaraya ng kaaway, huwag tayong magduda. Panghawakan natin ang pangako ng Diyos at patuloy na magpasailalim sa pagkilos at patnubay ng Banal na Espiritu, na ating katiyakan at kalakasan bilang mga anak ng Diyos at mga tagasunod ng ating Panginoong Jesus.