Roma 8:28 (ASD)
Nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip-lakip na gumagawa para sa ikabubuti ng mga umiibig sa Diyos, ng mga tinawag ayon sa Kanyang layunin.
Habang tayo’y nagpapatuloy sa ating paglalakbay bilang mga mananampalataya, hindi mawawala ang mga pagsubok at pangamba. May mga araw na tila maayos ang lahat, at may mga panahon din namang biglang nababago ang ating mga plano dahil sa mga pangyayaring hindi natin inaasahan. Sa lahat ng ating pinagdaraanan, ipinapaalala sa atin ng Salita ng Diyos ang isang matibay at mapagkakatiwalaang katotohanan—na ang ating buhay ay hindi nakabase sa tadhana o chansa lamang. Sa halip, ang bawat detalye ng ating buhay ay sakop ng probidensya ng ating Diyos. Tayo ay inaalagaan at pinamamahalaan ng Kanyang makapangyarihan at mapagmahal na mga kamay.
Ayon sa Roma 8:28, “Nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip-lakip na gumagawa para sa ikabubuti ng mga umiibig sa Diyos.” Ang talatang ito ay hindi pangako para sa buhay na walang sakit o problema, kundi katiyakan na sa kabila ng lahat ng pangyayari—mabuti man o masakit—ang Diyos Ama ay kumikilos ayon sa Kanyang mabuting layunin na tayo ay tumatag sa pananampalataya at mas maging kalarawan ni Cristo.
Ito rin ang patuloy na inilalahad ng Heidelberg Catechism Q&A 1: dahil tayo’y kabilang kay Cristo, tayo rin ay nasa ilalim ng maingat at mapagmahal na probidensya ng Ama. Walang anumang mangyayari sa atin na hiwalay sa Kanyang kaalaman at pahintulot. Ang mga pagsubok ay hindi tanda ng Kanyang paglayo, kundi bahagi ng Kanyang marunong at mahabaging paggabay sa ating buhay. Kaya ang ating katiyakan ay hindi nakabatay sa ating kakayahang unawain ang lahat, kundi sa pagkakilala sa Ama na laging gumagawa ng mabuti para sa Kanyang mga minamahal na anak.
Dahil dito, maaari nating ipagkatiwala ang bawat araw—maging ang mga pangyayaring mahirap at hindi natin lubos maunawaan. Sa halip na mamuhay sa takot at pag-aalala, tayo’y tinatawag na mapanatag, magtiis, sumunod, at magtiwala dahil hindi tayo kailanman pababayaan ng ating Panginoon.
Sa gitna ng kawalang-katiyakan ng mundong ito, at samu’t saring pagsubok at pangamba ang ating hinaharap sa araw-araw, tandaan na ang ating Ama na nasa langit ay patuloy na kumikilos para sa ating ikabubuti at para sa Kanyang kaluwalhatian. Kaya’t maaari nating ipahayag nang may kapanatagan at kagalakan: Ako’y ligtas sa mabuting pamamahala at pangangalaga ng Diyos—sa buhay man o sa kamatayan.
Mapanatag ka, sapagkat ang Diyos na makapangyarihan na lumikha at nagpapanatili sa lahat ng bagay ay Siya ring mabuti at tapat mong Ama na Siyang nagmamahal at nangangalaga sa’yo.
