Loading Devotions

Kaaliwan sa Bawat Araw

Araw-araw na Pagbubulay-bulay sa Katesismong Heidelberg

Ang Halaga ng Aking Kaligtasan

January 6, 2026

1 Pedro 1:18–19 (ASD)
Nalalaman ninyo na kayo’y tinubos mula sa inyong walang kabuluhang pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno, hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira gaya ng pilak o ginto, kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo, na gaya ng sa isang korderong walang dungis at walang kapintasan.

Sa mundong ating ginagalawan, halos lahat ay may katumbas na halaga. May presyo ang lupa, bahay, edukasyon, kalusugan, at maging ang ating oras at lakas. Madalas nating tanungin: Magkano ang halaga nito? Sulit ba ang kapalit?

Ngunit may isang tanong na mas nararapat nating sagutin: Ano ang naging halaga ng aking kaligtasan? Ano ang naging kabayaran upang ako’y mapalaya at matubos mula sa kasalanan, kamatayan, at kaparusahan ng Diyos?

Ayon sa Salita ng Panginoon, tayo ay naging mga alipin ng kasalanan at nararapat maparusahan, sapagkat ang Diyos ay matuwid at banal. Gayunman, Siya rin ay puspos ng awa at biyaya, at sa Kanyang dakilang pag-ibig ay nagbigay Siya ng daan upang tayo ay mapalaya at maligtas. May nagbayad para sa atin—hindi sa pamamagitan ng pilak o ginto, sapagkat ang mga ito’y nasisira at hindi kailanman sasapat sa pagkakautang natin sa Diyos.

Ang kabayarang nagpalaya at nagpanumbalik sa atin sa Diyos ay walang iba kundi ang mahalagang dugo ni Cristo. Ang Kanyang katawan at dugo ay kusang-loob Niyang inialay sa krus ng Kalbaryo, gaya ng isang korderong walang dungis at walang kapintasan—ganap, banal, at karapat-dapat na handog upang mapawi ang poot ng Diyos.

Ang dakilang pagsasakripisyo ni Cristo para sa atin ay malinaw na nagpapatotoo ng dalawang dakilang katotohanan: una, lubhang seryoso ang Diyos laban sa ating mga kasalanan sapagkat Siya ay banal, makatarungan, at hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang kasamaan; at ikalawa, lubos at hindi masukat ang Kanyang pag-ibig sa atin, pag-ibig na humantong sa pagbibigay ng pinakamahalagang kabayaran—ang Kanyang sariling Anak—upang tayo’y tubusin, patawarin, at ibalik sa Kanyang sarili.

Ito ang katotohanang binibigyang-diin sa atin ng Heidelberg Catechism:

“Hindi ko na pag-aari ang aking sarili, kundi ako ay kabilang—sa buhay at sa kamatayan—sa aking tapat na Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, na lubos na nagbayad para sa lahat ng aking kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang mahalagang dugo.”

Samakatuwid, ang aking halaga ay hindi nasusukat sa aking tagumpay, kabiguan, o kakayahan, kundi sa halagang ibinayad ni Cristo para sa akin. Ako’y mahalaga hindi dahil sa aking nagawa o gagawin, kundi dahil sa Kanyang ginawa na para sa akin.

Kung ganoon kataas ang halagang ibinayad para sa ating katubusan, paano na dapat tayo mamuhay? Nawa, hindi na bumalik muli bilang alipin ng kasalanan, kundi bilang taong tinubos at inari na ni Cristo. Sa araw-araw, mamuhay tayo ng may pasasalamat, hindi upang bayaran ang kaligtasan—sapagkat ito’y ganap na binayaran na—kundi bilang tugon sa biyayang ating tinanggap.

Sa gitna ng tukso, panghihina, at pagdurusa, maaari tayong magpatuloy nang may katiyakan at pasasalamat: na ang ating buhay ay may walang hanggang halaga, sapagkat ito’y tinubos hindi ng pilak o ginto, kundi ng mahalagang dugo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.